Balikbayan Box Ni Yuri Cipriano
Paano pa kaya itutungtong sa lupa Itong sapatos na bago’t napakarangya? Kung lupang pagaapakan o lalakaran Ay isa nang napakalawak na sisidlan – Imbakan ng mga journalist at sibilyan.
Kanino pa kaya isusuot ang damit Na sadyang hinalukay sa magarang boutique? Kung katawan na sana ay pagdadamitan Ay binalutan na ng kasuotang punit – Makintab na barong at itim na pantalon.
Sino pa kaya ang susubok na titikim Nitong Honey Toblerone Dark na mamahalin? Kung ang minamahal na sana ay kakain Ay kalas na ang ipin, ngalangala’t panga – Sumabog dahil sa ipinakaing bala.
Ano pa kaya ang maaring maging silbi Nitong pinag-ipunang Hi-tech Karaoke? Kung ang dating awitan ni Nonoy at Nene Ay napalitan na ng luha’t dalamhati – Hiyaw na nananawagan ng katarungan!
Kailan pa kaya mabibigyan ng wakas Pagpapahirap sa lupang sabi’y malaya? Kung ito’y nananatili sa mga pangil Ng mga mamamatay tao at gahaman – Mga pinunong iniluklok ng tatlong G.
19 Disyembre 2009 Al Satwa Dubai, UAE
| |
|